Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Albay na nakahanda sila kaugnay ng babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng abutin nang hanggang tatlong (3) buwan ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Albay Governor Al Francis Bichara na hindi na bago sa kanila ang nasabing babala dahil nangyari na aniya ito noong 1999 at 2000.
Gayunman, ikinababahala pa rin ni Bichara ang pagkakaroon ng matatag na suplay ng pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees.
Kasabay nito, sinabi ni Bichara na kanya nang pinulong ang lahat ng mga alkalde sa Albay para magsagawa ng arawang assessment at evaluation report para sa pagtaya ng mga kinakailangang suplay ng mga evacuees.
Sa kasalukuyan aniya ay sumampa na sa mahigit dalawangpung libong (20,000) pamilya o katumbas ng halos walongpung libong (80,000) indibidwal ang nailikas na at pansamantalang nanunuluyan sa animnapo’t isang (61) evacuation centers.
Samantala, tiniyak din ng DSWD – Bicol ang pamamahagi ng food packs para sa 20,000 pamilya sa loob ng isangdaan (100) pang araw.
Ito ayon kay DSWD Regional Direcrtor Arnel Garcia ay dahil uubra naman silang humingi sa national office ng ayudang family food packs para masustentuhan ang pagkain sa loob ng tatlong buwan ng may 20,000 pamilya.
Nakatanggap na ang Albay ng mahigit labing pitong milyong pisong (P17-M) assistance fund na ginastos na para sa food at non-food items.