Magsasagawa ng isang kilos protesta ang ilang miyembro ng PDP – Laban at mga personalidad na nagsusulong ng pederalismo sa Pebrero 27.
Ayon kay PDP – Laban Vice President for International Affairs Atty. Raul Lambino, tatawaging ‘Fed-ibig sa Bayan Rally Tungo sa Pagbabago ng Saligang Batas’ ang kanilang pagkilos na gaganapin sa Quezon City.
Aniya, layunin nito ang maiparating sa mga bumubuo ng consultative committee ang saloobin ng taumbayan hinggil sa pederalismo.
Sinabi pa ni Lambino na bukod sa mga amiyembro ng PDP – Laban, kabilang din sa mga dadalo sa pagtitipon ang ilang local officials ng Quezon City gayundin ang mga magtatanghal na personalidad.
Una dito, inamin ni dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel na hindi pa handa ang Pilipinas sa pederalismo kahit pursigido ang administrasyong Duterte na isulong ang pagbabago ng sistema ng gobyerno.
Mahalaga aniya ang pagsasagawa ng forum at konsultasyon sa lahat ng panig ng Pilipinas upang ipaabot sa kabatiran ng mga mamamayan na kailangan na ang pagbabago sa pamamahala sa pamamagitan ng pagyakap sa federal form of government na hindi kinopya sa ibang bansa.