Pinabulaanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang mga kumakalat na balita sa social media na posibleng magdulot ng isang malakas na pagsabog ng bulkang mayon ang magaganap na super blood blue moon sa Miyerkules.
Ayon kay PHIVOLCS Director at Undersecretary Renato Solidum, hindi nila nakikita na magkakaroon ng impluwensya sa aktibidad ng bulkang Mayon ang super moon lalo’t nagsimula na rin naman itong pumutok.
Dagdag ni Solidum wala rin aniyang ugnayan ang gravitational pull mula sa buwan sa mga nangyayaring lava fountaining ng bulkang Mayon.
Ngayong darating na Miyerkules, Enero 31, sabay-sabay na magaganap ang lunar eclipse, blood mood at supermoon na tinatawag na super blood blue moon na huling nangyari mahigit isang daan limampung (150) taon na ang nakakaraan.
Super moon ang tawag kapag ang buwan ay nakapuwesto pinakamalapit sa mundo, habang ang blue moon ay ang pangalawang beses na full moon na naganap sa isang buwan.
Samantala, magkukulay pula naman ang buwan dahil sa total lunar eclipse.
—-