Malamig ang tugon ng Malakanyang sa planong pagsasampa ng kasong plunder ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino hinggil sa kontrobersyal na dengvaxia vaccines.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hinihintay pa ng pangulong Rodrigo Duterte ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Department of Health (DOH) at Department of Justice (DOJ) kaugnay sa nasabing isyu.
Giit ni Roque, ayaw ng Pangulo na magturo ng mga opisyal nang wala man lang hawak na anumang katibayan.
Dagdag pa ni Roque, nakasalalay din sa nasabing imbestigasyon ang kalusugan ng mga batang naturukan ng bakuna at para magkaroon ng kapanatagan ang mga magulang ng mga ito.
Una dito, ipinabatid ni VACC Founding Chair Dante Jimenez na patuloy silang nakakatanggap ng reklamo kaugnay sa umano’y kawalang aksyon at pagiging insensitive ng DOH hinggil sa isyu ng dengvaxia.
Kasabay nito, ipinabatid ni Jimenez na isang Alfred Nulud ang pinakahuling dengvaxia victim mula sa Tarlac at tinututukan ng Tarlac provincial hospital.