Umalma sina Senate Majority Floor Leader Vicente “Tito” Sotto the Third at Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon sa naging alegasyon sa kanila ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ayon kay Sotto, hindi dapat ilihis ni Faeldon ang issue ng 6.4 billion Peso Shabu shipment case mula China na nakalusot noong siya pa ang pinuno ng Bureau of Customs.
Ang pagkaladkad anya sa kanyang pangalan ni Faeldon ay hindi daan upang makalusot ito sa kontrobersya at wala rin namang masama sa pagrerekomenda ng promosyon sa isang kawani ng gobyerno.
Iginiit naman ni Drilon na wala siyang alam sa sinasabi ni Faeldon at wala ring iregularidad sa kanyang hiling sa dating customs chief kaugnay sa Memorandum Of Agreement na naglalayong ipa-renovate ng National Historical Commission ang isang gusali sa Iloilo.
Kabilang anya sa mga occupant sa nasabing gusali ang Bureau of Customs.