Pormal nang nagpadala ng demand letter ang Department of Health o DOH sa French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur para sa full refund ng mga biniling dengvaxia dengue vaccine ng pamahalaan.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nilalaman ng demand letter ang kahilingang maibalik din ang nasa dalawang bilyong pisong ibinayad ng pamahalaan sa mga nagamit nang dengvaxia vaccines.
Iginiit ni Duque na nararapat lamang ang full refund dahil hindi naman aniya naramdaman ang inaasahang proteksyon na makukuha mula sa nasabing bakuna.
Binigyang diin pa ng kalihim na mismong ang Sanofi ang nagpalit ng label sa Dengvaxia kung saan inihayag nito na hindi maaaring gamitin sa mga batang walang history ng dengue ang nasabing bakuna.
Matatandaang mahigit isang bilyong piso pa lamang ang naibinalik ng Sanofi sa pamahalaan bilang refund sa mga hindi nagamit na dengvaxia dengue vaccine.
—-