Tinawag na katawa-tawa ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang claim na dayaan ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.
Kasunod ito ng pahayag ni Marcos na nakakuha sila ng mga ebidensya ng pandaraya ng kampo ni Robredo sa mga marked ballot sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Negros Oriental.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, mapapatunayan lamang ang mga sinasabing pandaraya ni Marcos sa mga kopyang hawak ng Presidential Electoral Tribunal (PET) at hindi aniya self-serving copies na hawak ng dating senador.
Kasabay nito, binatikos ni Macalintal ang akusasyon ni Marcos na sabwatan ng Commission on Elections (COMELEC) at Smartmatic para matiyak ang panalo ng Bise Presidente.
Hinamon ni Macalintal si marcos na ituon ang pansin sa recount ng mga pinoprotestang balota nito sa halip na maglabas ng kung ano-anong walang basehang akusasyon.