Ipinaaresto na ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang customs broker na si Mark Taguba kaugnay sa pagkakasangkot nito sa paglusot ng 6.4 na bilyong pisong halaga ng shabu shipment mula China.
Batay sa inisyung ‘warrant of arrest’ ni Judge Rainelda Estacio Montesa, maliban kay Taguba, ipinadarakip din ang iba pang sangkot sa maanomalyang shabu shipment.
Kabilang dito ang mga negosyante na sina Manny Li at Kenneth Dong; customs broker na si Teejay Marcellana, ang Taiwanese nationals na sina Chen I-Min; Jhu Ming Jyun at Chen Rong Huan; gayundin ang may – ari ng EMT Trading na si Eirene Mae Tatad.
Una nang sinampahan ng panibagong kaso ng Department of Justice (DOJ) ang mga respondent kaugnay sa paglusot ng 6.4 na bilyong pisong halaga ng shabu shipment mula sa China.
Bukod pa ito sa nauna nang kaso na isinampa ng DOJ sa Manila RTC.
Matatandaang inilipat ng DOJ sa Manila RTC ang kasong drug importation laban sa mga nabanggit na respondents makaraang ibasura ng Valenzuela RTC ang isinampang kaso ng DOJ.