Dismayado ang ilang lokal at dayuhang turistang umaakyat sa Baguio City sa mabahong amoy na sumasalubong sa kanila.
Ito’y bunsod ng problema sa basura na umaalingasaw sa Marcos Highway, Kennon Road at Naguillan Road kung saan matatagpuan ang Garbage Transfer Station.
Ayon sa lokal na pamahalaan, pansamantalang iniimbak sa transfer station sa Naguillan Road ang mga basura bago dalhin sa sanitary sa landfill Urdaneta City, Pangasinan.
Gayunman, tumatagal ng ilang araw bago ilipat sa Pangasinan ang tone-toneladang basura kaya’t nananatili ang masangsang na amoy.
Puspusan na sa paghahanap ng solusyon ang Solid Waste Management Division ng Baguio City upang maalis o mabawasan ang mabahong amoy lalo’t abala na ang lungsod sa preparasyon sa Panagbenga Festival na inaasahang daragsain ng libu-libong turista.