Dapat mabahala ang pamahalaan sa pagpapalakas ng puwersa ng China sa Scarborough Shoal.
Reaksyon ito ni dating Congressman at dating National Security Adviser Roilo Golez sa report ng militar na duami pa ang barko ng China sa Scarborough Shoal.
Hinikayat ni Golez ang Department of Foreign Affairs o DFA na humingi ng paglilinaw sa China kung ano ang tunay na pakay ng kanilang mga barko sa Scarborough Shoal na malinaw namang teritoryo ng Pilipinas.
“Dapat talaga talakayin ito ng Kongreso at dapat magsalita tayo, itong presensya dapat yung matatagpuan na merong mga dagdag na mga barko sa Scarborough Shoal nakakabahala ito, nakakita ako ng isang parang master plan ng China sa Scarborough Shoal sakaling makalusot sila diyan, aba naku may runway, 3-kilometer runway, mga building, mga lugar na masasabi nating puwedeng gamitin for military purposes.” Ani Golez
Inulit rin ni Golez ang kanyang babala sa posibleng pagkamkam ng China sa Benham Rise matapos silang payagan ng pamahalaan na makapagsagawa ng research at pag-aaral sa lugar.
Ipinaalala ni Golez ang ginawa ng China sa Mischief Reef noong 1995 at sa Scarborough Shoal noong 2012.
“Inakyat-bahay na tayo niyan noong 1995 pa inagaw ang Mischief Reef, niloko tayo sabi yun daw ay para lamang sa temporary shelter ng kanilang fishermen, pinalaki nang pinalaki, ngayon napakalaki na ng istruktura nila sa Mischief Reef, 558 hectares, doble sa area ng Bonifacio Global City, tapos inagaw ang Scarborough Shoal noong 2012, pagkatapos ngayon papayagan nating pumasok sa Benham Rise, parang wala tayong kadala-dala.” Pahayag ni Golez
(Balitang Todong Lakas Interview)