Posibleng maharap sa ‘impeachment complaint’ si Ombudsman Conchita Carpio Morales kung igigiit nito na hindi ipatupad ang suspensyon laban kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Ibinabala ito ng Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo kasunod ng ipinalabas na pahayag ni Morales na kumukontra sa inilabas na ‘suspension order’ ng Office of the President.
Sinabi ni Panelo na kung mapatutunayang malisyoso ang nasabing pahayag ni Morales ay posibleng maikonsidera itong ‘betrayal of public trust’ na isang impeachable offense.
Nanindigan naman ang Malakanyang na legal ang ipinalabas na 90–days preventive suspension laban kay Carandang.
Una dito, nilinaw ng Malakanyang na hindi pa epektibo ang resolution and order ng Office of the Ombudsman kung saan sinususpindi si Carandang.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque may sampung (10) araw si Carandang para sagutin ang pag-suspinde sa kaniya ng Pangulo bago ito tuluyang magpasya sa nasabing usapin.