Mariing kinundena ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang pagpugot ng New People’s Army (NPA) sa isang dating NPA member na sumali na sa militar bilang Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).
Kinilala ang biktima na si Mar Acebedo Bocales, na ang bangkay ay natagpuan sa bulubundukin ng San Miguel, Surigao del Sur nitong Lunes, Enero 29.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lieutenant Colonel Emmanuel Garcia, may mga marka ng torture o pagmamalupit na nakita sa katawan ng pinaslang na CAFGU.
Patunay aniya ito na kasing lupit ng Abu Sayyaf Group (ASG) at Maute – ISIS ang mga NPA na namumugot din ng kanilang mga biktima.
Pagtitiyak ng militar, hindi sila titigil hangga’t hindi nahuhuli ang mga pumaslang sa kanilang kasamahan.