Isang call center supervisor ang natagpuang patay at nakasilid sa maleta sa Baclaran, Pasay City.
Hubo’t hubad at may mga sugat sa katawan nang matagpuan ang bangkay ni Leonardo Caleja o Ponggay na nagdiwang ng kanyang kaarawan nito lamang Enero 11.
Enero 19 nang hindi na nakauwi si Caleja matapos umanong magpaalam umano na makikipagkita sa mga kaibigan.
Batay sa imbestigasyon, strangulation o pagsakal ang sanhi ng kamatayan ng biktima habang may nakita ring mga galos at sugat sa braso nito na posibleng palatandaan na nanlaban si Ponggay sa salarin.
Ayon kay Superintendent Gene Licud, Deputy Chief of Police ng Pasay City, narekober sa crime scene ang pulbos, suklay at tsinelas habang nawawala ang cellphone at wallet ni Caleja.
Pagnanakaw ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa krimen pero may tinitingnan pa umanong silang mas malalim na anggulo.
—-