Inatasan ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga tauhan ng Department of Health (DOH) na ligawan ang mga magulang sa iba’t ibang panig ng bansa para bumalik ang tiwala ng mga ito sa vaccination program ng pamahalaan.
Ito ay matapos makarating kay Duque ang mga ulat na natatakot na ang mga magulang na pabakunahan ng kahit anong gamot ang kanilang mga anak dahil sa isyu ng dengvaxia.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Duque na kahit ang pampurga sa bata na hindi naman iniinheksyon ay tinatanggihan na din ng mga magulang.
Naaapektuhan na pati pambakuna natin, pati ‘yung programang ‘deworming’ ng DOH apektado din, iniinom lang ‘yun. Aya na din [ng mga magulang].
Payo ni Duque sa mga tauhan ng DOH ay mahinahon na ipaliwanag ng maigi sa mga magulang ang ibibigay na bakuna.
Sabi ko sa mga tao ko, “Huwag kayong bibigay… huwag kayong mawawalan ng pag-asa.”
Dapat i-extend natin ‘yung deadline at kumbinsihin sila na maging pasensyoso at ‘wag iinit ang ulo kapag kinakausap [ang mga magulang]. Dapat ay parang nililigawan ninyo sila ulit para manumbalik ang tiwala at paniwala sa ating mga vaccine program.
Samantala, sinabi din ni Duque na hindi pa rin sumasagot ang Sanofi Pasteur sa liham na ipinadala niya noong Enero na humihiling ng 1.4 bilyong pisong refund para sa dengvaxia.
Nanawagan din ito sa Sanofi na bigyan ng danyos o vaccine injury compensation ang mga naturukan ng nasabing bakuna.