Posibleng hindi pa makapasok sa first quarter ng taon ang third telecom player na makapagbibigay ng mas magandang serbisyo ng internet sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque ito ang natanggap niyang impormasyon mula sa Department of Information and Communication Technology o DICT ngunit hindi pa niya tiyak ang dahilan nito.
Kaya’t ito aniya ang isa sa tatalakayin sa nakatakdang cabinet meeting ngayong araw.
Gayunpaman, tiniyak ni Roque na tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangako na pagkalooban ng mas magandang internet service ang mas maraming Pilipino na bahagi aniya ng karapatang pantao.
Magugunitang target ng DICT na simulan na ang operasyon ng ikatlong telco player ng bansa sa Marso kasunod ng utos ni Pangulong Duterte na wakasan na ang “duopoly” sa industriya ng telekomunikasyon.
—-