Tiniyak ni Senate Sub-Committee on BBL o Bangsamoro Basic Law Chairman Juan Miguel Zubiri na hindi sagabal sa isinusulong na Pederalismo ang isinusulong na BBL.
Ayon kay Zubiri, tanging ang mga political warlords lamang aniya ang siyang tumututol sa BBL dahil tiyak na mawawalan na sila ng kapangyarihan sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Refinements na lamang aniya ang ginagawa ngayon sa naturang panukala tulad ng sistemang militar maging ang pagsugpo sa katiwalian, pagiging autonomous ng Bangsamoro Government at priority funding.
Subalit sa kabila nito, kumpiyansa si Zubiri na maipapasa ang BBL sa Senado bago magtapos ang sesyon nila sa buwan ng Marso dahil suportado naman ito ng halos lahat ng mga Senador.
Samantala, naniniwala si Zubiri na makatutulong din sa pagtatamo ng kapayapaan sa Mindanao ang naging desisyon ng Korte Suprema na palawigin ng isa pang taon ang umiiral na batas militar sa Mindanao.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Cely Ortega-Bueno
Posted by: Robert Eugenio