Sumugod kahapon, Pebrero 7, sa tanggapan ng Department of Health (DOH) sa Maynila ang mga bata na naturukan ng dengvaxia vaccine.
Kasama ng mga bata ang kanilang mga magulang nang magdaos ng picket – rally habang nakasuot ang mga ito ng facemasks.
Nagsindi din sila ng kandila at nanawagan sa DOH na suportahan ang pangangailangan ng mga nabakunahan ng dengvaxia.
Ikinalungkot naman ni dating Health Secretary Janet Garin ang hakbang na ito ng mga magulang at iginiit na malinis ang kanyang konsensya kaugnay sa kontrobersyal na bakuna.
Ayon kay Garin, may mga gumagamit at gumagatong sa mga ito para lalong magalit laban sa kanila.
Ang masakit kasi dito, bawat batang namamatay ay iniuugnay sa bakuna. So, dalawa ang natatamaan dito, ‘yung departamento at ‘yung public health, at ‘yung relasyon ng mga doktor sa kanilang mga pasyente.
Matatandaang sinugod ng mga galit at emosyonal na magulang si dating Health Secretary Janette Garin matapos ang pagdinig ng Kamara sa kontrobersyal na dengue immunization program.
Hinabol ng grupo ng mga nanay ang dating kalihim habang pasakay ito ng elevator at saka ito sinisi sa sinapit ng kanilang mga anak matapos mabakunahan ng dengvaxia vaccine.
Gayunman, inamin ng mga ito na hindi naman namatay ang kanilang mga anak.