Blacklisted ng US treasury department ang tatlo (3) katao kabilang ang isang Pilipino dahil sa ugnayan nito sa financial network ng Islamic State.
Kinilala ng US treasury ang mga suspek na sina Yunus Emre Sakarya mula sa Turkey, Mohamed Mire Ali Yusuf ng Somalia, at Abdulpatta Escalon Abubakar ng Pilipinas.
Si Abubakar ay sinasabing nasa likod nang pangangalap ng pondo para sa ISIS network noong 2016 at 2017, at tumutulong umano sa pagbili ng ISIS ng mga armas at pampasabog mula sa iba’t ibang bansa.
Setyembre noong isang taon nang maaresto sa Pilipinas si Abubakar matapos itong manggaling sa Jeddah, Saudi Arabia.
Si Sakarya naman ang itinuturong supplier ng mga drone mula sa pag-aari nitong kumpanya sa Turkey na Profesyoneller Elektronik habang si Yusuf na isang negosyante ay ‘front’ umano ng grupo sa Bari Region ng kanilang bansa.