Inilabas na ng Departmnet of Labor and Employment o DOLE ang isang administrative order kaugnay sa total deployment ban sa lahat ng mga Pilipinong manggagawa papuntang Kuwait.
Ito ay base sa kautusan ni Pangulong Duterte na tuluyan nang pagbawalan ang mga Overseas Filipino Worker o OFWs na magtrabaho sa nasabing bansa dahil na rin sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy doon.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, ‘effective immediately’ ang pagpapatupad sa nasabing kautusan.
Paliwanang ni Bello nakatakda rin silang magtungo sa Kuwait upang imbestigahan ang tunay na mga nangyayari sa mga OFW doon.
Kamakailan lang ay natagpuan ang katawan ng Pinay OFW na si Joanna Daniela Demafelis sa loob ng isang freezer habang nagpapatuloy din ang imbestigasyon sa pito (7) pang kaso ng pagkamatay ng mga Pinoy household worker sa Kuwait.
By Aiza Rendon / (Ulat ni Aya Yupangco)
‘Balik-manggagawa’
Samantala, wala pang desisyon ang DOLE kung papayagang makabalik sa Kuwait ang mga tinatawag na balik manggagawa o mga OFW na naka-bakasyon sa Pilipinas at may kontrata pa sa nasabing bansa.
Ito ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ay dahil hindi limitado sa household service workers kundi maging sa skilled workers din ang total deployment ban na inanunsyo ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Bello na hindi pa matiyak sa ngayon ng DOLE kung paano ang magiging sitwasyon ng mga balik manggagawa na karamihan ay peke o hindi naman totoong may existing contract.
‘72 hours deadline’
Simula na ngayong araw na ito ang mass exodus ng mga OFW mula sa Kuwait.
Kasunod na rin ito ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na total deployment ban sa Kuwait.
Ayon kay Bello apat na batch na ng mga OFW mula sa Kuwait ang nakauwi na subalit mas marami pa ito sa pagsisimula ng pitumpu’t dalawang (72) oras na deadline ng Pangulo.
Kabilang sa mga umuwing OFW mula sa Kuwait ay pawang distressed, mga biktima ng illegal recruitment at iba ay expired ang kontrata.
By Judith Larino
—-