Kumpiyansa si Albay Rep. Edcel Lagman na mabilis na maipapasa sa Kamara ang panukalang nagsusulong na gawing ligal ang diborsyo sa Pilipinas.
Ito’y makaraang aprubahan na ng technical working group ng House Committee on Population and Family Relations ang Consolidation ng apat na panukalang nagsusulong nito.
Ayon kay Lagman, wala naman aniya siyang naririnig na pagtutol dito mula sa kaniyang mga kasamahan sa Kamara maliban sa kapwa oposisyon na si Rep. Gary Alejano ng Magdalo.
Paliwanag pa ni Lagman, sa ilalim ng panukala ukol sa diborsyo, gagawin nitong mas mura, mabilis at madali para sa mga mag-asawa ang paghihiwalay bunsod ng hindi magandang pagsasama.
Una rito, nagpahayag ng pangamba si Alejano na posibleng magdulot lamang ng lalong pagkasira ng pamilyang Pilipino ang diborsyo at lubhang apektado aniya rito ay ang mga kabataan.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jill Resontoc
Posted by: Robert Eugenio