Tila nagbente-kuwatro oras ang bentahan ng mga bulaklak sa Dangwa Market sa Maynila ngayong araw na ito, Araw ng mga Puso.
Kasunod na rin ito nang pagdagsa ng mga namimili ng bulaklak para sa kanilang mga kasintahan at mahal sa buhay.
Dahil sa pagdiriwang ng Valentine’s Day, nagmahal na rin ang presyo ng mga bulaklak.
Ang ecuador rose na isa sa pinakamabenta ay 200 hanggang 250 pesos kada piraso mula sa dating 150 pesos at tumaas naman ng 300 pesos ang isang dosena ng rosas na dating 1,500 pesos lamang.
Samantala, pitong daan piso (P700) na ngayon ang dating 500 pesos na isang bouquet ng mga bulaklak nang pinaghalong mums, stargazer, gerbera at astro.
Ang stargazer na dating 100 pesos kada stem ay 150 pesos na ngayon at 200 naman ang kada stem ng carnation na dating 100 pesos.
Mabenta rin sa dangwa ang mga stuffed toys bouquet na nasa 1,200 pesos na presyo rin ng chocolate bouquet at kumbinasyon ng chocolate at stuffed toys.
Sa mga maliit lamang ang budget, may artificial roses na 100 pesos kada piraso at stuffed toys na P85 hanggang 200 pesos.
—-