Kinalampag ng iba’t ibang grupo ang Department of Agriculture o DA sa Quezon City kaugnay sa pinalulutang nito anilang rice shortage sa bansa.
Nagtipon-tipon sa harap ng DA ang rice watch group na Bantay Bigas at National Federation of Peasant Women kasama ang mga miyembro ng Anak Pawis.
Subalit dahil nataon sa Valentine’s Day ang protesta, idinaan ng protesters sa hugot lines ang kanilang programa sa halip na ordinaryong placards at banners na karaniwang bitbit ng mga ito.
Gamit ang hugis pusong placards, kabilang sa mga nakasulat ang mga linyang: “Ang lahat ay nagmamahalan kaya kami walang laman ang tiyan”…”broken-minsan puso, minsan bigas, madalas tayo”…”paasa – minsan lovelife, madalas gobyerno”…”mahal -minsan jowa, ngayon bigas”…”nagmamahalan na ang bigas at bilihin, gobyerno na lang ang mumurahin.”
Umapela ang grupo sa DA na aksyunan ang anito’y artificial o pekeng rice shortage sa bansa na pinalulutang para bigyang katuwiran ang pag-aangkat ng bigas.
—-