Magsasampa ng kaso ang Department of Health o DOH laban sa Sanofi Pasteur dahil sa pagtanggi nitong magbigay ng full refund kaugnay sa biniling Dengvaxia dengue vaccine.
Ayon kay Health Undersecretary Enrique Domingo, kasong sibil ang kanilang ihahain laban sa Sanofi dahil sa pagiging depektibo ng produkto na inaasahan sanang makakabuti sa mga batang mababakunahan nito.
Bukod dito, posible rin umano magsampa ng kasong kriminal ang DOH laban sa Sanofi sa oras na makakita ang kagawaran ng mas malaking ebidensya na magpapatunay may “misinterpretation” sa bahagi ng Sanofi.
Samantala, tiniyak naman ni Domingo tuloy-tuloy ang ginagawang pag-aaral ng DOH sa bakuna at sa mga batang nasawi na naturukan ng kontrobersiyal na bakuna na Dengvaxia.
‘Procurement’
Naglabas na ng subpoena ang Commission on Elections o COMELEC laban sa ilang personalidad na nasa likod ng kontrobersyal na pagbili ng mga anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Ito’y makaraang katigan ng COMELEC ang hirit ni Volunteers Against Crime and Corruption o VACC Counsel Atty. Manuelito Luna dahil sa alegasyon na ginamit ng nakalipas na administrasyon sa pangangampaniya ang anti-dengue vaccination program.
Kasunod nito, hiniling din ng VACC sa Department of Justice o DOJ na ipa-subpoena rin ang mga kinakailangang dokumento hinggil sa kasong kriminal na isinampa nila laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget Secretary Butch Abad gayundin kay dating Health Secretary Janette Garin.
Hiniling din ng VACC na ipa-subpoena ang mga records at findings buhat sa forensics team ng Public Attorney’s Office o PAO gayundin ng UP-PGH na nagsagawa ng kanilang mga pagsusuri kaugnay sa mga batang biktima umano ng naturang bakuna.
By Jaymark Dagala