Nasa limandaang (500) pulis ang mahigpit na nagbabantay ng kaayusan ng Panagbenga Festival sa Baguio City.
Ayon kay Police Senior Inspector Myla Alog ng Public Information Office ng PNP Baguio, maliban sa mga pulis ay may idinagdag pa silang dalawandaang (200) volunteers para bantayan ang mga aktibidad at seguridad ng mga makikiisa sa Panagbenga.
Sinabi ni Alog na kasalukyang nasa red alert status ang puwersa ng PNP Baguio.
Samantala, pinag-iingat ni Alog ang publiko partikular ang mga turista na mag-ingat sa mga masasamang loob sa kasagsagan ng Panagbenga Festival.
Una rito, isang turista ang nagreklamo matapos na looban ang tinutuluyan nilang transient house sa Baguio.
Kuwento ni Rose Santos, pinasok ang kanilang tinutuluyan at nakuha ng mga magnanakaw ang isang cellphone, labinlimang libong pisong (P15,000) cash, at ilang alahas ng kasama niyang mga pinsan.
Kaya payo ni Alog sa mga turista, tumuloy lamang sa mga subok na at mapagkakatiwalaang lugar sa lungsod.
Kaugnay nito, umapela ang PNP Baguio sa mga turistang aakyat ng Baguio para sa Panagbenga Festival na huwag nang magdala ng sariling sasakyan.
Ito ay upang hindi na makadagdag pa sa inaasahang sikip ng daloy ng trapiko sa pagdiriwang ng Panagbenga lalo na sa Pebrero 24 hanggang 25 kung saan isasagawa ang grand street dance parade at grand float parade.
Ayon kay Alog ng Public Information Office ng PNP Baguio, mas mainam rin kung dumaan sa Marcos Highway sa halip na sa Kennon Road.
Ipinaalala rin ni Alog na isasara ang Session Road mula Pebroro 26 hanggang Marso 4 para sa mga ilan pang aktibidad sa Panagbenga.
Hinihimok din ng opisyal ang publiko na huwag nang magdala ng mga bata sa mismong grand street dance parade at grand float parade ng Panagbenga.
—-