Target ng pamunuan ng MRT o Metro Rail Transit Line 3 na mai-akyat sa kalahati o 10 tren ang kanilang mapatakbo bago matapos ang buwang kasalukuyan.
Ito ang inihayag ni Transportation Undersecretary for Rails John Timothy Batan sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng Senado kaugnay ng modernisasyon sa mga PUV’s o Public Utility Vehicles.
Ayon kay Batan, inaasahang makukumpuni na aniya ang mga kasalukuyang bagon ng MRT dahil sa dumarating na mga spare parts na kanilang nabili nuon pang mga nakalipas na buwan.
Tiniyak din ni Batan na mai-aakyat na nila sa 15 ang mga tumatakbong tren pagsapit ng Abril matapos ang kanilang gagawing overhaul sa panahon naman ng Semana Santa o Holy Week.
Magugunitang kahapon, muling nagka-aberya ang MRT 3 nang tumirik ang isang tren nito sa pagitan ng mga istasyon ng Ortigas at Shaw Blvd dahil sa nasirang piyesa na may kinalaman sa kuryente nito.
Posted by: Robert Eugenio