Pinalawig na ng gobyerno ng Kuwait ang amnesty program nito para sa mga hindi dokumentadong mga manggagawa na nananatili sa naturang bansa.
Nagbigay ng dalawang buwang extension o hanggang Abril 22 ang Kuwaiti government para ayusin ng mga iligal na manggagawa kasama ang libu-libong mga Overseas Filipino Workers o OFW na ayusin ang kanilang mga papeles at makauwi sa kani-kanilang bansa nang hindi pinapatawan ng multa.
Magtatapos sana ang amnesty program ng Kuwait bukas, Pebrero 22.
Kaugnay nito, umapela naman ang Overseas Workers Welfare Administration sa mga Pinoy na nagnanais na mag-avail ng amnesty na magtungo sa Philippine Overseas Labor Office o POLO sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait.
Sa tala ng OWWA, higit 2,000 Pilipino na ang bumalik sa bansa simula nang ipatupad ang amnestiya noong Enero 29.
Lumipad naman kahapon ang mga dagdag na rapid response team mula sa Department of Foreign Affairs Office of Migrant Workers Affairs para tumulong mapabilis ang pagpoproseso ng papeles ng mga uuwing OFW.
Layon ng naturang grupo na makapagpauwi ng mas maraming mga Pilipinong manggagawa na nagnanais na mag-avail ng amnestiya.
Samantala, higit animnaraang (600) mga Overseas Filipino Workers mula sa Kuwait ang darating sa bansa ngayong araw.
Batay sa abiso ng MIAA Media Affairs, 180 OFW ang darating sakay ng Philippine Airlines PR 669 sa Terminal 1.
Habang higit 430 mga OFW na sakay naman ng Cebu Paficic 5J-021 na lalapag sa Terminal 3.
Inaasahan naman na sasalubungin ng mga tauhan ng OWWA at DFA para pagkaloooban ng mga kaukulang ayuda mula sa gobyerno.
—-