Nakakabahala na ang moro-morong eleksyon sa Philippine Olympic Committee o POC para lamang manatiling pangulo ng POC si Jose ‘Peping’ Cojuangco.
Ayon kay Ed Picson, Secretary General ng Association of Boxing Alliances in the Philippines o ABAP, napakalakas ng ugong-ugong na muling i-di-disqualify ng election committee ang iba pang kandidato para sa POC elections.
Binigyang diin ni Picson na malinaw sa desisyon ng Pasig RTC na kailangang isama bilang mga kandidato sa POC elections sina ABAP President Ricky Vargas at cycling chief Cong. Bembol Tolentino.
Kasama rin sa desisyon ng korte na kailangang isagawa ang eleksyon sa February 23.
Mula pa noong 2004 ay hindi na napalitan si Cojuangco bilang Pangulo ng POC.
“Sana magkaroon ng laya, freedom of choice, hayaan niyong pumili ang mga National Sports Associations o NSA head kung sino ang gusto nilang mamuno sa Philippine sports, kahit po si Hidilyn Diaz, ‘yung ating silver medalist ay nagsusumamo na sana ay magkaroon na ng reporma sa POC, ganyan din ang sentimyento ng karamihan ng mga NSA head dahil sa totoo lang walang nangyayari sa Philippine sports ngayon bagkus bumabagsak dahil kulang sa leadership, kulang sa vision, kulang sa direction, kulang sa lahat eh.” Pahayag ni Picson
(Ratsada Balita Interview)