Umalma ang mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia sa naging pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa ika-anim na pagdinig ng Senado kaugnay sa kontrobersyal na bakuna.
Ito’y makaraang sagutin ni Duque ang tanong ng mga nagsidalong magulang sa pagdinig na sasagutin ng PHILHEALTH o Philippine Health Insurance Corporation ang gastusin sa pagpapagamot sa kanilang mga anak.
Una rito, hiniling din ni Duque sa Senado na payagan silang gamitin ang salaping ibinalik ng Sanofi sa DOH para sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga batang naturukan ng Dengvaxia subalit nakaranas ng iba’t ibang problema.
Kasunod nito, kapwa hinimok nila Senate Blue Ribbon Chairman Richard Gordon at Senate Committee on Health Chairman JV Ejercito ang mga ahensya ng pamahalaan na nag-iimbestiga sa usapin na magsanib puwersa na lamang para mapabilis ang kanilang hakbang.
Pero umalma rito si PAO o Public Attorney’s Chief Atty. Percida Rueda – Acosta.
Bagama’t pananagutan ng gubyerno ang nangyaring kontrobersiya hinggil sa naturang bakuna, sinabi ni Gordon na hindi pa rin ito sapat na dahilan para hindi pabakunahan ang kanilang mga anak.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Cely Ortega-Bueno
Posted by: Robert Eugenio