Nananatili ang posisyon ng mababang kapulungan na tuloy pa rin sa Mayo ng taong kasalukuyan ang Barangay at SK o Sangguniang Kabataan elections.
Iyan ang tiniyak ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman at CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna sa harap na rin ng dalawang panukalang batas na nagsusulong na ipagpaliban muli ito.
Dahil dito ayon kay Tugna ay posibleng ipatawag ang mga miyembro ng mayorya sa Kamara para sa isang caucus para talakayin at pag-aralang maigi ang dalawang nabanggit na mga panukala.
Magugunitang sa ilalim ng House Bill 7202 ni Surigao Del Sur Rep. Johnny Pimentel, iginiit nito na dapat bigyan ng sapat na panahon ang COMELEC para makapaghanda at matiyak ang isang kapani-paniwala at epektibong halalan.
Habang sa House Bill 7121 na inihain naman ni ANAC – IP Partylist Rep. Jose Panganiban Jr, nais niyang maisabay na ang Barangay at SK Elections sa isasagawang plebesito para sa pagsusulong ng Charter Change para sa pagbuo ng bagong saligang batas tungo sa Pederalismo.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jill Resontoc
Posted by: Robert Eugenio