Tiniyak ng Department of Labor and Employment o DOLE na patuloy silang bubuo ng mga panuntunan para tugunan ang panawagan ng mga manggagawa na tapusin na ang kontraktuwalisasyon sa trabaho.
Inihayag ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa harap ng pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na niya kakayaning tuparin ang pangako niyang tapusin ang kontraktuwalisasyon.
Ayon kay Bello, may inihahanda silang bagong executive order kung saan nakapaloob ang bagong demands ng labor groups.
Ang bagong draft ng executive order ay nakatakda aniya nilang ilatag sa labor groups sa isang pulong ngayong Marso.
“The President is inclined to favor them, I mean na nasa kanyang puso na tulungan ang ating mga manggagawa, pero huwag naman at the expense of the management, dahil kapag nilabanan mo ang management, inapi mo at nawalan ng negosyo eh wala nang trabaho, kailangan ang balancing dito, pero ang maliwanag dito ay ayaw ng Presidente ng endo dahil iligal ‘yan, unlawful at sa contractualization naman meron talagang arrangement na hindi puwedeng maiwasan eh.” Pahayag ni Bello
Samantala, nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa sumusuko ang Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban nito sa kontraktuwalisasyon.
Ito ay kahit pa inihayag ng Pangulo na bukas siya para sa kompromiso at inaming hindi maaaring basta puwersahin ang mga private employer at mga may-ari ng negosyo na tapusin ang kontraktuwalisasyon.
Sinabi ni Roque na kinakailangan pa ng Pangulo ng mahabang panahon para pag-aralan ang naturang isyu.
By Ralph Obina / (Ratsada Balita Interview)