Walang sinuman o anuman ang makakapagil kay Vice President Jejomar Binay sa pagtakbo niya bilang Pangulo sa 2016 elections.
Ayon kay Binay, kahit sampahan siya ng kabi-kabilang kaso ay tatakbo pa rin siyang Pangulo.
Tugon ito ni Binay sa panibagong kaso ng plunder at graft na isinampa ni Atty. Renato Bondal laban sa kanya at anak na si suspended Makati City Mayor Junjun Binay.
Kaugnay naman ito sa di umano’y maanomalyang kasunduan sa pagitan ng University of Makati at ng Systems Technology Institute o STI.
Binigyang diin ni Binay na pawang paninira lamang naman ang mga inihahaing kaso laban sa kanya.
Gayunman, aminado ang Bise Presidente na bumabagsak ang kanyang ratings kaya’t kinakailangan nyang mag-ikot pa sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Base sa datos, mula lamang noong Mayo ay umabot na sa 18 ang biyahe ni Binay sa mga lalawigan lalo na sa mga lugar na mayaman sa boto tulad ng Cavite, Cebu, Bulacan at iba pa.
By Len Aguirre | Allan Francisco