Ido-donate na ng Omidyar Network, foreign investor ng Rappler ang puhunan nitong nagkakahalaga ng 1.5 Milyong Dolyar sa 14 na Filipino managers ng nasabing online news website.
Ayon kay Stephen King, pinuno ng Global Governance and Citizen Engagement ng Omidyar, ito ay para maresolba na ang isyu hinggil sa pagbawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ng lisensya para sa operasyon ng Rappler.
At dahil sa ibinigay na nila ang naturang halaga ng puhunan ay mawawaalan na umano ng basehan ang SEC na ipasara ang naturang online news outfit.
Magugunitang nuong Enero ay binawi ng SEC ang lisensya ng Rappler matapos umanong lumabag nito sa “foreign equity restriction” na nagsasaad ng pagbabawal sa mga banyaga na mag-may-ari ng isang mass media entity sa Pilipinas.
Samantala, ipinaubaya na ng Malakaniyang sa SEC ang naturang hakbang ng Rappler sa kinakaharap nitong isyu.
Gayunman, iginiit pa rin ni Presidential Spokesman Harry Roque, na hindi pa rin maiaalis ang katotohanang nilabag ng Rappler ang konstitusyon kahit pa ibinigay na ng dayuhang investor ang puhunan nito sa kanila.