Sumuko na sa mga awtoridad ang umano’y recruiter ng pinatay na OFW sa Kuwait na si Joanna Demafelis.
Si Agnes Tuballes ang itinuturo ng pamilya Demafelis na nag-recruit sa anak nilang si Joanna na napatay sa kuwait at natagpuan na lamang sa freezer.
Gayunman, iginiit ni Tuballes na hindi niya ginusto at nagulat siya sa sinapit ni Demafelis.
Kwento nito, tinulungan lamang niyang makapagtrabaho abroad si Joanna.
December o January nag-message ang kapatid ko na nag-chat sila ni Joanna na gustong magpatulong na mag-apply papuntang abroad, so chinat din ako ni Joanna, sabi niya kung maaari ko raw ba siyang tulungan pag-abroad. Tapos nun, ni-refer ko siya, ni-recommend ko siya sa Our Lady of Mt. Carmel. Sabi ko kay Joanna, dito ka mag-apply sa Mt. Carmel kasi free passport, no placement fee, no salary deduction. Iyan ang kwento kaya nakapag-abroad si Joanna ng free at legal. Pahayag ni Tuballes
Lumutang si Tuballes para aniya linisin ang kanyang pangalan. Naglabas din siya ng sama ng loob sa media matapos makaladkad ang kanyang pangalan sa kaso ni Demafelis.
Parang ako ang lumabas na suspek eh, sana kinuha niyo ang side ko bago niyo ko ipinalabas sa TV, ‘yung mga anak ko, binubully ngayon sa school. Sana kinuha niyo muna ang side ko bago niyo ko hinusgahan. Hindi po ako ang pumatay kay Joanna. Sinira niyo ang pangalan ko, katulong din ako, hindi ko ginusto na mamatay si Joanna. Never kong pinangarap na makadisgrasya ng tao. Himutok ni Tuballes
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni PNP-CIDG chief Roel Obusan na si Tuballes at isang Pilipina na nakapangasawa ng Kuwaiti ang gumagamit sa Our Lady of Mt. Carmel Global E-Human Resources Incorporated para maiproseso ang papeles ng mga nais magtrabaho sa Kuwait.
Si Agnes, pure Filipina worker na may kakilala sa Kuwait na Pilipina din na may asawang Kuwaiti. Itong Pilipina na nasa Kuwait, siya ang maghahanap kung sino-sinong mga employer. Sinabihan niya si Agnes na maghanap ka diyan ng agency na pwede natin gamitin ang pangalan. Nakahanap naman si Agnes ng Mt. Carmel para gamiting pangalan para sa kontrata. Paliwanag ni Obusan
Samantala, humingi na rin ng tawad sa pamilya ni Joanna Demafelis si Agnes Tuballes.
Iginiit ni Tuballes na hindi niya ginusto ang nangyari kay Demafelis lalot isa rin siyang OFW
Gayunman, tila sinisi nito ang pamilya Demafelis na hindi raw agad ipinaalam sa kanya nang mawala si Joanna sa Kuwait.
Nakikiramay po ako sa pamilya ni Joanna, at saka di ko rin po ginusto ‘yung nangyari. Sana kung pumunta kayo ng that time na ganon pala, andon na ako. Sana naagahan natin ang pagdetect kay Joanna, na ganoon na pala katagal ang pagkamatay niya. Pero wala din kayong ginawang aksyon para puntahan ako. Nakikiusap po ako sa inyo, patawad. Hindi ko naman gusto ang nangyari sa kanya kasi ako po OFW din po. Ani Tuballes
Gayunman, nilinaw ni Obusan na hindi pa ikinokonsiderang suspek sa ngayon si Tuballes.
PANOORIN: Agnes Tuballes, pumalag sa report ng isang TV network na naglabas ng kanyang litrato at nagdawit sa kanya sa kaso ni Joanna Demafelis @dwiz882 pic.twitter.com/vk1yEUf9JD
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) March 1, 2018
CIDG dir Roel Obusan: Apat ang iniimbestigahan namin ngayon sa kaso ni Demafelis – Agnes Tuballes, Arra Migtimbang, Mariz Asanji at ang Our Lady of Mt. Carmel recruiting agency pic.twitter.com/Ys0Ni6J5HM
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) March 1, 2018
Agnes Tuballes, itinangging siya ang recruiter ni Demafelis pic.twitter.com/9xjSNmFDLl
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) March 1, 2018