Kumpyansa ang gobyerno ng Pilipinas na mapababalik sa Kuwait ang mga suspek na amo ng pinatay na OFW na si Joanna Demafelis.
Paliwanag ni Labor secretary Silvestre Bello III, kaalyadong bansa ng Kuwait ang Lebanon at Syria kung saan nanatili ngayon ang mag–asawang suspek na sina Nader Essam Assaf at Mona Hossuin.
Dagdag pa ni Bello, malaki ang posibilidad na may nilagdaang treaty ang tatlong bansa kaya tiyak umanong mapapabalik ng Kuwait ang mga amo ni Demafelis.
Samantala, nakatakda nang tumulak patungong Kuwait ang pamilya ni Demafelis para sa gagawing paglilitis laban sa mga suspek na pumatay sa kanilang kaanak.