Hindi natuloy kahapon ang dayalogo sa pagitan ng mga grupo ng Overseas Filipino Worker (OFW) at ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Alberto Lina.
Kabilang sa Coalition ng mga OFW na makikipag-dayalogo sana sa Customs ang Philippine Migrant Rights Watch, Pinoy Expats-OFW Blog Awards, United Filipino Seafarers, OFW Family Partylist, Blas F. Ople Policy Center at iba pa.
Ayon kay Ferdie Maglalang ng Blas Ople Policy Center, isang grupo na tumutulong sa mga distressed o nahihirapang OFW, hindi natuloy ang dayologo dahil mas pinili nilang dalhin na lang sa Kongreso ang pagpupulong.
Naniniwala kasi ang mga OFW group na mas transparent sa kongreso at talaga aniyang magkakaroon ng reporma kaysa sa dayologo sa BOC.
Ani maglalang, nag-ugat din ang kanilang desisyong hindi na ituloy ang dayalogo sa naging karanasan nila noon sa pakikipagpulong sa Manila International Airport Authority o MIAA tungkol sa isyu ng mahigit P500 terminal fee na wala rin naman daw nangyari.
Ang hindi natuloy na dayologo ay sisentro sana sa isyu ng pagiinspeksyunin ng mga balikbayan box ng Customs at sa iba pang reporma ng ahensya na aniya’y anti-OFW.
By Allan Francisco