Kumilos na ang lokal na pamahalaan gayundin ang mga residente ng Panglao Island sa Bohol para linisin ang dalampasigan ng naturang isla.
Ito’y kasunod ng maigting na kampaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang mga dinarayong lugar ng mga turista sa bansa mula sa mga iresponsableng mga may-ari ng establisyemento.
Karamihan sa mga nahakot na basura sa dalampasigan ay mga upos ng sigarilyo, mga boteng plastik, styrofoams at iba pa.
Ayon kay Bohol Governor Edgar Chatto, sapat na ang pagmamahal ng mga Boholanos para mapaganda at mapataas ang turismo sa kanilang lugar nang hindi na nangangailangan pa ng batas para rito.
Magugunitang nadiskubre ng DENR Environmental Management Bureau na nasa 400 establisyemento sa Panglao at Dauis ang nakitaan ng paglabag sa environmental laws.
—-