Mas malaki na ang partisipasyon ng mga babae kumpara sa mga lalaki sa iba’t ibang aspeto sa bansa.
Ito ang lumalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Batay sa kanilang 2018 factsheet, mas malaki ang naiuuwing suweldo ng mga babae na umaabot sa P284,000 kada taon kumpara sa P262,000 na average annual income ng mga kalalakihan.
Mas malaki rin ang naiipon ng mga kababaihan kahit pa mas malakas gumastos ang mga ito.
Malaki rin ang partisipasyon ng mga babae sa larangan ng edukasyon kung saan lumalabas na mas marami ang mga babaeng nakapagtapos ng kolehiyo at post graduate kung ihahambing sa mga lalaki.
Nakita rin ang paglakas sa partisipasyon ng mga kababaihan sa larangan ng politika bagamat lamang pa rin ang mga lalaking nasa puwesto.
Batay sa naman sa 2017 Global Gender Gap Report ng World Economic Forum, pang sampu ang Pilipinas sa buong mundo na may mataas na partisipasyon ang mga babae sa ekonomiya, edukasyon, kalusugan at politika.
Samantala, nanguna naman ang Pilipinas sa survey ng P & G Grant Thornton Women in Business Report kung saan lumabas na 46.58 porsyento ng mga Pinay ang may top management position sa buong mundo.
—-