Magpapadala ng listahan ng mga bagong rapporteurs ang United Nations o UN na magsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.
Ito ay matapos manindigan ang Malacañang na hindi papayagan si UN Special Rapporteur Agnes Callamard na pangunahan ang imbestigasyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakikipag-ugnayan na aniya si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kay UN Secretary General Antonio Guterres hingil sa mga bagong irerekomendang UN rapporteurs.
Sinabi naman ni Roque na posibleng matagalan pa bago maghilom ang sugat na idinulot ng aniya’y pagpunta at pagpuna ni Callamard sa war on drugs campaign nang walang pormal na imbestigasyon.
Samantala, iginiit ni Roque na hindi dapat binabalewala ang soberenya kung magsasagawa ng imbestigasyon ang UN sa isang bansa.
Kasunod naman ito ng naging pahayag ni United Nations Human Rights Council chief Al Hussein sa sinabi ni Pangulong Duterte na hindi kinakailangang sumagot ng mga pulis at sundalo sa mga mag-iimbestiga hinggil sa war on drugs.
—-