Binabantayan na rin PNP-Special Action Force ang medium security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Ayon kay PNP spokesman, Chief Supt. John Bulalacao, nasa 80 miyembro na ng SAF ang idineploy simula noong Huwebes, Marso 8 sa medium security compound.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ni PNP Chief, Dir. Gen. Ronald Dela Rosa noong Pebrero na bantayan na rin ng SAF ang nasabing pasililidad matapos makatanggap ng ulat na may mga nagaganap ditong transaksyon ng iligal na droga.
Sa pag-apak ng SAF sa medium security compound, agad silang naglunsad ng ‘Oplan Lightning Strike’ kung saan hinalughog ang mga kulungan.
Kabilang sa narekober sa operasyon ang 54 na sachet ng shabu, isang sachet ng marijuana at iba’t ibang drug paraphernalia.