Ihihirit na umano ng mga hukom sa lower court ang pagbibitiw ni Chief Justice On-leave Maria Lourdes Sereno.
Ito ang ibinunyag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap na rin ng pag-alma nito sa akusasyon ni Sereno na siya’y binu-bully ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Roque, may mga nakalap siyang impormasyon hinggil sa panawagan ng mga hukom sa mababang korte sa gitna ng pinakahuling development sa isinusulong na impeachment kontra sa punong mahistrado.
Hindi na anya kailangang i-bully si Sereno ng Pangulo dahil mismong mga kasamahan niyang mahistrado sa Korte Suprema ay hindi kumampi sa kanya bagkus ay ipinanawagan pa ang kanyang pagbibitiw.
Pagbibigay diin ng tagapag-salita, mga kasama ni Sereno ang nagsasabing hindi siya karapat-dapat sa Korte Suprema at hindi ang Presidente.
-Jopel Pelenio