Hindi nakaiwas sa batikos ni Akbayan Partylist Representative Tom Villarin ang pagkaka-absuwelto ng Department of Justice o DOJ sa kasong drug trafficking ng negosyanteng si Peter Lim at self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa.
Ayon kay Villarin, isang indikasyon na hindi seryoso sa war on drugs ang Duterte administration ang pagkaka-absuwelto sa kaso nina Espinosa at Lim.
Nakapagtatakang nabasura ang kaso laban kina Lim at Espinosa gayong maka-ilang ulit ng tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte noong mga unang araw niya sa Malakanyang bilang sa mga big time drug lord ng Visayas.
Dahil aniya sa desisyon ng DOJ na may kakulangan sa ebidensya laban kina Lim at Espionsa, maiging palayain na rin si Senador Leila de Lima na nahaharap din sa kasong may kaugnayan sa droga.
Samantala, sinupalpal din ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman ang administrasyon sa pagsasabing ang tunay na polisya nito ay palayain ang mga drug lord at patayin ang mga maliit na drug personality.
—-