Sampung (10) porsyento ng limang daang (500) HIV patient na sumasailalim sa treatment ng doh o department of health ang hindi tinatalaban ng gamot.
Ito ang lumabas sa dalawang taong pag-aaral ng NIMBB o National Institute of Molecular Biology and Biotechnology.
Paliwanag ni Dr. Edsel Salvaña, Director ng NIMBB, isa sa dahilan nito ay ang pag-mutate at pagiging drug resistant ng virus dahil hindi tuloy-tuloy ang pag-inom ng gamot ng mga pasyente.
Bukod pa rito, may mga pasyente rin aniyang sa simula pa lamang ay hindi na epektibo ang HIV treatment dahil drug resistant virus na agad ang naipasa sa kanila.
Ikinababahala pa ni Salvaña ang pagbabago ng HIV strain sa Pilipinas kung saan 75 percent sa mga HIV positive ang may subtype A-E habang 25 percent naman sa subtype B.
Ayon kay Salvaña mas agresibo ang subtype A-E na posibleng maging AIDS sa loob lamang ng limang taon.
Dagdag ni salVaña, problema pa na ang available HIV treatment sa bansa ay para sa subtype B.
Samantala, tiniyak naman ni Health Assistant Secretary Lyndon Lee Suy na tinututukan ng ahensiya ang nasabing pag-aaral at patuloy na maghahanap ng mga bagong paraan para sa HIV treatment.
—-