Ipinauubaya na ng Malacañang sa hukuman ang pagpapasiya kung kinakailangang isailalim sa hospital arrest si Senadora Leila de Lima.
Kasunod naman ito ng pag-apruba ng korte sa medical furlough ni De Lima noong Lunes para makapagpasuri sa doktor matapos na makitaan ng mass o bukol sa kanyang atay.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, labas na ang Palasyo sa nasabing usapin at tanging ang korte lamang ang makakapag-determina kung kinakailangang i-hospital arrest ang senadora.
Gayunman, iginiit ni Roque na hangad pa rin nila na bumuti ang lagay ni De Lima.
Samantala, tiniyak naman ni De Lima na walang dapat ipag-alala sa kanyang kalusugan at patuloy na mabibigay ng update sa publiko hinggil sa kanyang kalagayan.
Unang natuklasan ang mass sa atay ng senadora matapos namang sumailalim ito sa regular check-up sa PNP General Hospital.
—-