Opisyal nang ipinarating ni Philippine Ambassador to United Nations Teddy Locsin kay UN Secretary-General Antonio Guterres ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas ang Pilipinas sa International Criminal Court o ICC.
Ayon kay Locsin, ipinadala ang formal letter ng deklarasyon ng pagkalas ng pilipinas sa ICC kay Gutteres ngayong araw.
Bagaman sa susunod pa sanang linggo ipadadala ang liham, dapat aniyang isumite ito ngayong araw lalo’t marami pa siyang ibang trabahong dapat tutukan.
Aminado naman si Locsin na isinaayos o ini-retype pa ng kanyang mga tauhan ang orihinal na formal letter matapos itong makitaan ng ilang mali.
ICC, nagsalita na hinggil sa pagkalas ng Pilipinas sa pandaigdigang hukuman
Nagsalita na ang International Criminal Court sa naging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-atras na ng Pilipinas ang ratipikasyon nito sa Rome Statute na lumikha sa ICC.
Ipina-alala ng ICC na walang magiging epekto ang withdrawal sa obligasyon ng Pilipinas sa pakikipag-tulungan nito para sa isang ligal na proseso.
Wala rin anila itong epekto sa estado ng nag-iisang Pilipinong judge sa ICC na si Raul Pangalangan dahil ang Rome Statute ay isa lamang requirement ng state party nationality.
Hulyo taong 2015 nang mahalal si pangalangan sa pre-trial division, trial chambers 9 at 8 ng nabanggit na korte.
Hindi makararating ang kaso kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration sa pre-trial division hangga’t hindi natatapos ni prosecutor Fatou Bensouda ang kanyang imbestigasyon.