Kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ng Department of Justice o DOJ ang paglalagay kay pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles sa full coverage ng Witness Protection Program o WPP ng pamahalaan.
Iyan ang nilinaw sa DWIZ ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraang kumpirmahin na isinailalim na nila sa provisional coverage ng WPP si Napoles kaugnay ng kontrobersyal na multi-bilyong pisong PDAF scam ng nakalipas na administrasyon.
Ayon sa kalihim, malinaw na nakasaad sa panuntunan ng Republic Act 6981 o Witness Protection, Security and Benefit Act hinggil sa pagkuha ng state witness.
“Dalawa lang po ang principal condition, ‘yung iba minor conditions, unang-una po mali ang pagkakaalam ng lahat na dapat ang isang state witness ay dapat siya ay least guilty, hindi po totoo ‘yun, mali po ‘yun, para ika’y maging state witness under WPP, dapat you should not appear to be the most guilty, maaaring one of the most guilty siya pero hindi ka dapat ang most guilty, so kung mapapatunayan natin na ang isang witness ay maraming kapantay na guilty katulad halimbawa ng mga government official, ‘yan po ay may posibilidad na siya ay maging state witness.” Ani Aguirre
Binigyang diin pa ni Aguirre na lumalabas na hindi si Napoles ang utak ng pork barrel scam dahil minsan na rin nitong inamin na may nagturo sa kaniya para gawin ang nasabing anomalya.
“‘Yung pagta-tag sa kanya na mastermind ay nanggaling na lang po ‘yan sa media, hindi po maaaring nanggaling ‘yan kay Janet Napoles, as a matter of fact, hindi po ba may lumalabas na meron siyang tutor, so sino ang tutor? Kung ikaw ang nag-tutor, ikaw ang inducer, you are the more guilty, meron na po tayong Supreme Court decision that is between 2 principal accused, one is by direct participation, ‘yung si Janet Lim Napoles, and the other by inducement, ‘yung nag-induce para mag-commit ng crime, sinabi ng Supreme Court, ‘yung principal by inducement ‘yun ang more guilty.” Pahayag ni Aguirre
Kaugnay nito, nagtataka si Justice Secretary Aguirre kung bakit nakalabas sa publiko ang impormasyon hinggil sa pagiging state witness ni Janet Lim Napoles kaugnay ng pork barrel fund scam case.
Sinabi sa DWIZ ni Aguirre na confidential in nature sa ilalim ng Republic Act 6981 o ang Witness Protection, Security and Benefit Act ang naturang impormasyon hangga’t wala itong basbas mula sa kalihim ng DOJ.
Magugunitang nilinaw ni Aguirre na maaaring maging state witness ang isang akusado kung hindi siya ang most guilty sa kaso.
“Kapag kinunan ng affidavit ‘yan at nagkaroon ng memorandum of agreement, ‘yan po ang mga tanong na itatanong sa kanya, meron bang kadahilanan, kung may justification na maipapakita then i-co-consider ‘yan ng Witness Protection Program, but as of now very much premature, nagtaka nga po ako kung bakit ‘yan nag-leak na naman sapagkat this should be confidential in nature.” Dagdag ni Aguirre
Kasunod nito, tiniyak ni Aguirre na wala pang epekto sa mga nakabinbing kaso sa Ombudsman laban sa mga pulitikong itinuturong nakinabang sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam ang hakbang na ito ng gobyerno na gawing state witness sa kaso si Napoles
“Kung ilagay man po natin si Janet Napoles under WPP ay wala pong epekto ‘yan sa mga pending cases niya, hindi po maaapektuhan ‘yan, ito ay doon lamang sa gagawing kaso kung siya ay magpapatuloy na mag-apply sa WPP, doon lamang ito magiging applicable, as of this moment hindi pa natin masasabi ‘yan sapagkat hindi pa po nagsu-submit ng affidavit si Janet Lim Napoles doon sa maraming dapat akusahan sa PDAF na ito.” Paliwanang ni Aguirre
(Sapol ni Jarious Bondoc Interview)