Inilabas na ng Maynilad ang listahan ng mga lugar na makararanas ng hanggang 12 oras na water service interruption simula sa Martes, Setyembre 8.
Ang mga makararanas ng mahinang water pressure hanggang sa pansamantalang pagkaputol ng supply ang mga lungsod ng Caloocan; Malabon; Navotas; Quezon;
Maynila; mga barangay Bangkal, Palanan, Pio del Pilar at San Isidro sa Makati; Pasay; Parañaque;
Las Piñas; Muntinlupa partikular ang Poblacion at Tunasan; Valenzuela; Cavite City; Rosario, Imus at Noveleta sa Cavite.
Muling inabisuhan ng Maynilad ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na mag-ipon ng tubig isa o dalawang araw bago ang service interruption.
Manila Water
Samantala, pinawi naman ng Manila Water ang kanilang mga customer sa silangang bahagi ng Metro Manila at Rizal province ang pangambang makaranas din ng malawakang service interruption simula sa susunod na linggo.
Ayon kay Dittie Galang, Media Planning and Tactical Development Department Officer ng Manila Water, malabo pa silang magbawas ng water supply sa kabila ng epekto ng El Niño phenomenon.
Mayroon naman aniya silang mga nilalatag na contigency plan kahit pa binawasan ng national water resources ang isinu-supply na tubig mula Angat dam, sa Norzagaray, Bulacan.
“Napag-usapan at na-determine po namin na hindi pa po mangyayari ‘yung rotating water service interruption sa mga customers ng Manila Water sa susunod na linggo, sa ngayon po pinag-aaralan pa rin po namin ang ilang augmentation measures na maaaring magawa para ma-lessen ang impact ng El Niño sa ating mga customers.” Pahayag ni Galang.
By Drew Nacino