Mararamdaman na umano ang pag-unlad ng bansa sa oras na maipatupad na ang National Identification System.
Ito ang pahayag ng National Economic and Development Authority o NEDA matapos pumasa sa ikalawang pagbasa sa senado ang panukala para sa National ID.
Ayon kay Socio-Economic Planning Sec. Ernesto Pernia, inaasahang wala ng mapagkakaitan ng tulong ng gobyerno kapag may National ID na ang lahat ng mamamayan.
Paliwanag ni Pernia, 14 na porsyento ng mga Filipino ang hindi nabibigyan ng kaukulang tulong o serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno dahil sa kawalan ng tamang dokumento para sa kanilang pagkakakilanlan.
Sinabi ni Pernia na dahil sa sistemang ito ay mas magiging madali na ang lahat ng transaksyon ng isang indibidwal maging ang pamamahagi ng Conditional Cash Transfer ng gobyerno sa mga mahihirap para hindi gaanong maramdaman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.