Nagsama-sama at nagkapit-bisig ang mahigit isandaang (100) mga residente ng Boracay Island sa harap ng white beach bilang pagkondena sa planong isang-taong pagpapasara nasabing isla.
Bago rito, walong minutong nagpatay ng ilaw ang lahat ng mga hotel at resort sa Boracay Island noong Sabado ng gabi.
Pansamantala ring itinigil ang mga party sa isla kasabay ng pagtitipon-tipon ng mga residente, turista at mga negosyante sa beachfront para iparating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang pagtutol sa nakaambang total closure ng Boracay.
Una nang napagpasiyahan ng Department of Environment and Natural Resources, Tourism at Interior and Local Government na irekomenda ang isang-taong pagsasara sa Boracay para matutukan ang paglilinis at rehabilitasyon nito.
Magugunitang nag-ugat ito nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Boracay ay isa nang malaking cesspool dahil sa palpak na sewerage system at sobrang dami ng turista.
—-