Dinipensahan ng Malacañang ang ginawang pagkansela ng mga klase kahapon kahit walang ikinasang tigil-pasada ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON.
Ito ay matapos dumagsa ang mga reklamo dahil sa late na pagpapalabas ng naturang anunsyo at karamihan umano sa mga estudyante ay nakapasok na sa kanilang klase.
Paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque, madaling araw nang natapos ang security cluster meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes kung saan ginawa ang memorandum kaya hindi agad itong naipalabas sa publiko.
Mariing pinabulaanan din ni Roque ang paratang ni PISTON President George San Mataeo, na aniya’y taktika lamang ng gobyerno ang pagsususpinde ng klase ng mga estudyante para magalit ang publiko sa kanilang grupo.
Giit ni Roque, tanging ikinukunsidera lamang ng Pangulo ang kapakanan ng mga mag-aaral dahil sa posibleng aberyang maranasan ng mga ito sa oras na totohanin ng PISTON ang kanilang banta.
—-