Hindi na kailanman sasama ang Pilipinas sa alinmang gusot o digmaang papasukin ng Amerika kung wala naman iyong direktang banta sa mga Pilipino.
Ito ang matigas na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap na rin ng umiiral na Mutual Defense Treaty na kapwa nilagdaan ng dalawang bansa na pinagtibay pa ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sa kaniyang talumpati sa harap ng mga nagsipagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Cavite, sinabi ng Pangulo na wala namang napala ang Pilipinas sa mga pinasok na digmaan ng Amerika at hindi rin nila kinilala ng mga ito ang sakripisyong ginawa ng mga Pilipino.
“And I am addressing America right now, whatever expeditions that you will conduct, any wars that you will fight in any other countries, count us out, wala kaming..in all this years of sacrifice, except brutality and agony, we will stand on our own, maski wala tayong pera, pilitin kong mag imprenta ng pera tag limans sako sa lahat ng taoand we will never beg for any help, sometimes it could mean really the dignity of the people.”
Iginiit pa ng Pangulo na tapos na aniya ang mga panahon ng pagpapasakop ng Pilipinas sa mga dayuhan mula nang lumisan ang mga Espanyol at Amerikano sa bansa kaya’t panahon na para tumindig ito sa sariling mga paa.
“We have been enslaved by 2 countries in succession, Spaniards for 400 years and Americans for 50 years, tama na po iyon, you have had your fill do not ask for more, hinde libre ang pagpunta nyo dito, you stole our natural resources, you stole the oil of the Arab countries, divided it arbitrarily into a nation, at ngayon kumukuha pa rin kayo, hinihigop pa rin ninyo ang oil and there is trouble everywhere, so kung ganon lang naman, unless we are threatened directly, there will be no more joint expedition, at least sa panahon ko, maghintay kayong lahat kung mawala ako.”
—-